-OUT PA RIN ANG PAGKAIN

BLIND ITEM: TAWA kami nang tawa habang naglilitanya ng kuwento ang aming impormante tungkol sa isang aktres na kapag kumakain sa labas ay masyadong reklamadora. At isang rebelasyon ang paghaharap na 'yun dahil nu'ng mag-one-plus-one ang mga nagkukuwentuhan ay lumabas na parang gimik niya lang ang pagiging mareklamo.

Sinasadya nga lang kaya 'yun ng aktres para makatipid siya? Umeepekto kasi ang kanyang mga pagrereklamo, para makalma siya ng mga crew ng coffee shop o restaurant ay ibinabalik na ang ipinambayad niya, meron pa siyang pabaon sa kanyang pag-uwi.

"Nu'ng one time na nag-dine in siya sa isang sikat na coffee shop, 'yung amoy ng baso ang inireklamo niya. Ang sabi niya sa crew na galit siya, of course. 'Bakit ganito ang smell ng baso n'yo? Parang amoy malansa?'

"Natural, customer is always right, kaya hindi na nakipagpilitan pa ang crew na hindi naman mabaho ang kanilang baso, na ang dami-dami naman niyang kasabay na customer du'n, pero wala namang nagrereklamong amoy malansa ang ginagamit na plastic cup ng coffee shop.

"Pinalitan na nu'ng crew ang order niya, bago na ang baso, pero meron pa rin siyang reklamo! Talaga raw malansa ang amoy nu'ng baso, mahirap daw uminom ng kape kapag meron kang naaamoy na mabaho sa pinag-iinuman mo.

"Para na lang matigil ang aktres, hindi na lang pinabayaran sa kanya 'yung inorder niya, ibinalik ang pera niya, pero ang lokah nu'ng umalis, dala-dala niya naman 'yung baso ng kape!

"Nalokah sa kanya 'yung crew, kung totoo nga namang may malansang amoy ang baso nila, di hindi na sana 'yun dinala ng aktres? Sinundan siya ng tingin ng crew, hindi pa siya nakakasakay sa kotse niya, sarap na sarap na siya sa pag-inom nu'ng kape mula sa inirereklamo niyang malansang baso," napapailing na kuwento ng una naming impormante.

Iba naman ang senaryong ikinuwento ng isa pang source, naganap naman 'yun sa isang kilalang Chinese restaurant, kasama niyang kumain du'n ang kanyang mga anak.

"Sarap na sarap na kumakain ang mga anak niya, sunud-sunod ang pagsubo ng mga bata, siya rin, kain siya nang kain. Nu'ng medyo patapos na sila, bigla niyang tinawag ang waiter, parang panis daw 'yung isang klase ng ulam na inihain sa kanilang mag-iina.

"In fairness, hindi nga nila halos nagalaw 'yung pagkain na 'yun, pero ang iba pang putahe, parang dinilaan ng pusa sa linis ang mga lalagyan nu'n. Ang reklamo niya, panis daw 'yung ulam, kung anu-ano na ang pinagsasabi niya ru'n sa waiter.

"Sa takot naman ng manager na baka magpa-interbyu pa siya sa TV, hindi na lang pinabayaran sa kanya ang lahat ng kinain nilang mag-iina. Natural, hindi na kumibo si _____ (pangalan ng aktres), nakalibre na naman kasi sila!

"'Yung sinasabi niyang panis na ulam na inihain sa kanila, ipinabalot pa rin niya, ipakakain na lang daw niya sa kanilang aso, dahil siguradong itatapon daw lang naman 'yun ng waiter.

"Charing! 'Yun sigurong ulam na 'yun ang kinain nila nu'ng hapunan na, mautak talaga ang reklamadorang ito, effective ang mga drama niya para makalibre lang siya!" humahalakhak naman kuwento ng ikalawang source.

Huwag naman sanang kasingbagal ng usad ng pagong kung gumana ang utak n'yo para mahulaan n'yo kung sino ang aktres na ito. May mauupo pa kaya ngayon sa Row 4 na katabi ang mabahong basurahan?

Halaw sa panulat ni Cristy Fermin sa kanyang column sa Diyaryong Bulgar, August 27, 2008.